Tuesday, 5 November 2019

Paano mapalapit kay crush?


Araw araw mo nalang siyang iniisip. Araw araw mo siya gustong makita. Baliw na baliw ka na sakanya. Ayan na nga, may tama ka na ata kay crush. Pero hanggang jan ka nalang ba? Hanggang sa pasulyap sulyap at paisip isip ka nalang? Bakit hindi mo subukang mapalapit naman sakanya? Para naman makausap mo na siya at hindi yung nasa malayo ka na nakanganga.

Paano kamo? Akong bahala sayo dahil meron akong tips kung papano ka ba mapapalapit kay crush.

Observe

Kailangan mong kumalma at magmatyag. Parang paghuli yan ng lion. Hindi ka pwedeng basta sugod nalang ng sugod. Kailangan mong maging maingat kung ayaw mong magkamali at masaktan. Kaya umupo ka muna, kumalma at magobserve. Pagmasdan mo ang kanyang mga kilos. Bawat tao may routine. Ano bang ginagawa niya pagkapasok na pagkapasok ng classroom? Kinakausap ba mga kaibigan niya? Nagrereview ba siya? Nagsusulat? Kailangan mo intindihin kung papano lumilipas ang araw para sa kanya. Magagamit mo ang bawat inpormasyon na makukuha mo sa mga susunod na gagawin mo. Siyempre, wag ka naman masyadong pahalata sa pag observe. Hindi mo naman siya kailangang titignan buong araw. Basta subukan mo lang mangolekta ng inpormasyon hanggat makakaya.


Make him/her comfortable around you

Pagkatapos mo magmatyag at kumuha ng inpormasyon. Panahon na para kumilos. Pero huwag kang padalos dalos. Hindi mo pa siya pwedeng basta ayain nalang na lumabas at manood ng sine. Kailangan mo munang maiparamdam sakanya na mapagkakatiwalaan ka. Na isa kang kaibigan at hindi kaaway. Kailangan mong gamitin ang nakolekta mong inpormasyon at isipin kung papano mo ba maisisingit ang sarili mo sa kanyang mga routine na hindi masyadong halata na interesado ka sa kanya. Kung napapansin mo siyang nagrereview sa umaga, baka pwede mong lapitan at tanungin kung meron ba siyang notes nung nakaraang lecture. O kaya naman kung madalas siyang utusan ng guro para magbura ng board, baka pwede mo siyang tulungan. Maghanap ka ng paraan para makagawa ng simpleng bagay na mapapansin ka niya at hindi halatang pinopormahan mo siya. Habang tumatagal magiging mas komportable na siya sa paligid mo at magiging mas madali para sayo na gawin ang susunod na step.

Getting to know each other

Dahil komportable na siya sayo, hindi ka na mahihirapan pang lapitan siya at kausapin. Hindi na siya maiilang sayo at magiging mas welcoming na siya sayo. Panahon na para simulan mo siyang kausapin at mas makilala. Pero siyempre ang mas mahalaga ay ang maipakilala mo ang sarili mo sakanya. Siguraduhin mo lang na hindi naman magtunog interview o interrogation ang inyong usapan. Kailangan chill lang. Tanungin mo kung ano ba mga hilig niya. Pagkatapos ay magshare ka naman ng tungkol sayo. Kailangan na maging swabe lang ang agos ng usapan. Wag yung pilit na kung ano ano na ang tinatanong mo para lang makakuha ng inpormasyon tungkol sa kanya. Hindi rin kailangan na isang bagsakan. Pwede mong unti untiin na kilalanin siya kapag natataon na magkasama kayo.

Dito na nagtatapos ang aking tips sa kung ano ang pwede mong gawin para mapalapit kay crush. Do your best and good luck.

Monday, 4 November 2019

Pano ko malalaman kung crush din ako ng crush ko?



Monday na naman, kailangan na naman pumasok ng school. Dumating ka sa school na inaantok pa dahil napuyat ka sa kakagawa ng requirements. Pagod na pagod ka at wala pa sa mood mag aral, nang biglang dumaan sa harap mo si classmate. Biglang lumiwanag ang kapaligirin. Kumakanta ang mga ibon. Parang nag slow-mo ang oras. Gumanda araw mo. Parang bumalik ang sigla at lakas mo para mag aral. Ayun na nga, mukhang tama na nga ang hinala mo, crush mo na nga siya.

Ang sunod na tanong ngayon, crush ka rin kaya niya? Matutulungan tayong sagutin ang iyong katanungan sa pamamagitan ng pagcheck ng tinatawag nating "5 senses"at may bonus pang "6th sense"

1. Sense of sight

Nagkaroon na ba kayo ng interactions ni crush? Nagkasama na ba kayo sa groupings o kaya naman ay nagkausap dahil sa kung ano mang requirements niyo sa school? Kung hindi pa, subukan mo siyang kausapin at pansinin mo ang kanyang mga mata. Nahihirapan ba siyang tumingin sayo ng diretso? Lagi ba siyang tumitingin sa malayo kapag kinakausap ka niya? Kung oo, mataas ang posibilidad nga crush ka nga rin ni crush.


2. Sense of hearing

Madalas si crush nalang ang nasa isip natin sa kahit anong sitwasyon at dahil dun ay hindi natin maiwasan na pangalan niya ang ating bukambibig sa buong maghapon. Madalas din tayong nag iingay, tinatawag o kaya nama'y inaasar siya para lang makuha natin ang kanyang atensyon. Kung napansin mong ganito din ang asal ni crush, madalas banggitin ang iyong pangalan, madalas kang asarin o kaya naman ay madalas magpapansin. Mataas ang tiyansa na crush ka nga rin niya.


3. Sense of touch

Bukod sa galawang hokage na pagiging touchy. Napapansin mo ba kung madalas siyang umaaligid sayo? Parang bawat pagkakataon na meron siya, susubukan niyang makapweesto malapit sayo. Tumatabi tabi ba siya during break time niyo? Napapadaan daan sa harap mo para lang makuha atensyon mo? Ang mga ito ang isa sa mga sensyales na gusto ka ng isang tao.


4. Sense of taste

Kahit gustong gusto mo na at gigil na gigil ka na, wag na wag mong titikman si crush kung ayaw mong magkablack eye. Ang taste na tinutukoy ko dito ay ang kanyang taste sa mga bagay bagay or in short, mga hilig niya. Kapag ikaw ay nagkakagusto sa isang tao, nagugustuhan mo narin ang mga bagay na nakapalibot sa kanya. Isa ito sa mga pwedeng senyales para malaman kung crush ka ba ng crush mo. May mga hilig ka na makakahiligan din niya kahit sobrang layo naman sa personalidad niya. Mapapansin mong naiinvolve siya sa mga bagay na malayo sa comfort zone niya na posibleng sinalihan niya dahil hilig mo rin.


5. Sense of smell

Ang mga hayop may ibat ibang paraan para akitin ang kanilang mga mating partner. Isa dito ay ang paglabas ng scent na may pheromones na nakakaakit para sa kanilang napiling partner. Hindi ito nalalayo sa kung papano kumilos ang mga tao sa paligid ng kanilang mga natitipohan. Madalas nag aayos at nagpapahid ng kung ano anong pabango para lang maging mas kaakit akit sila sa kanilang crush. Ngayon kung napapadalas mo nang naaamoy ang pabango ni crush to the point na alam mo na kung malapit siya sa amoy palang, eh malamang sa malamang gusto niyang maging kaakit akit pag nasa paligid mo.


6. Sense of reality

Lahat ng nabanggit ko sa itaas ay mga signs na pwede mong icheck para malaman kung gusto ka rin ba ng isang tao pero lahat nun ay walang kasiguraduhan. Iba iba ang personalidad ng bawat tao at kung papano sila kumilos ay may mga pagkakaiba iba din. May mga taong awkward kumilos sa paligid ng crush nila pero may mga tao ding natural lang na awkward sa kahit ano mang sitwayson. May mga taong nagiging mabait sa harap ng crush nila pero may mga tao din na likas lang na mabait. Kaya ang huling advice ko sayo at ang pinakasiguradong paraan para malaman kung crush ka nga ba ng crush mo, ay ang tanungin siya mismo. Kailangan mo maglakas loob at sabihin sa kanya na gusto mo siya para malaman kung gusto ka rin ba niya. Tandaan mo lang na posibleng hindi ang sagot at masakit man isipin pero kailangan mong tanggapin dahil iyon ang katotohanan. Huwag kang mag alala, hindi pa naman iyon ang katapusan dahil gaya nga ng sabi nila "marami pang isda sa karagatan".

Paano mapalapit kay crush?

Araw araw mo nalang siyang iniisip. Araw araw mo siya gustong makita. Baliw na baliw ka na sakanya. Ayan na nga, may tama ka na ata kay c...